Archive for July 24th, 2006

DAGUPAN CITY DISASTER COORDINATING CENTER HANDA NA SA PAGDATING NI GLENDA

Handang-handa na ang city disaster coordinating center ng Lungsod ng Dagupan sa pagdating nang bagyong si Glenda sa lalawigan.

Sa panayam ng Aksyon Radyo Pangasinan kay Reggie Ubando, ang pinuno ng Operations Division ng CDCC, noon pang araw ng Sabado nila mino-monitor ang galaw ni Glenda.

Sinabi rin ni Ubando na sa ngayon ay handang-handa na rin ang mga barangay disaster coordinating centers sa lungsod.


GROUND BREAKING CEREMONY NG TULAY NA TATAWID NG ILOG PANTAL, PANGUNGUNAHAN NI PGMA

Pangungunahan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang ground breaking ceremony ng tulay na ipapatayo patawid sa ilog ng Pantal sa mga susunod na dalawa o tatlong linggo.

Ang ground breaking ay nauna nang itinakda nitong Hulyo 22, subali’t ito’y ini-urong para bigyang daan ang pagpapahayag ng State of the Nation Address ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kahapon.

Ganunpaman tiniyak ni Speaker Jose De Venecia Jr. na sa mga susunod na dalawa o tatlong linggo ay darating na lamang dito si PGMA sa Lungsod ng Dagupan kasama ang ilang opisyales ng Japanese Embassy para pangunahan ang naturang okasyon.

Ayon kay DPWH Region 1 Regional Director Fidel Ginez, ang tulay ay may habang 355 linear meter, 180 meters ang approach nito sa Pantal at 240 meters ang approach naman nito sa Babaliwan. Ang kapal ng semento nito ay hanggang 23 centimeters at ang kabouang halaga nito ay P903 milyong.

Kapag natapos, mapapabilang ang naturang tulay sa mga mahahabang tulay sa Pilipinas.

Ang kabuuang pondo ng nasabing tulay ay inutang ng Pilipinas sa pamahalaang Japan sa pamamagitan ng Overseas Development Assistance na ipinadaan sa Japan Bank for International Cooperation. Ito’y bahagi ng ni-revive na Japan loan assistance package na nasuspindi noong 2001.

Layunin ng bagong diversion road na maibsan ang bigat ng daloy ng trapiko sa may A.B. Fernandez Avenue kapag itoy tuluyang buksan sa publiko.

Ang konstruksion ng tulay na gagawin ng Toyo Construction Corporation ng Japan ay matatapos sa loob ng 22 buwan.


DALAWANG SELEBRASYON MAGAGANAP SA BAYAN NG CALASIAO

Dalawang selebrasyon ang magaganap sa loob ng linggong ito sa bayan ng Calasiao kaugnay ng pagkakapili sa hepe ng Calasiao PNP bilang isa sa sampung magigiting na police sa boung bansa at ang pagkakasungkit ng Saints Peter and Paul Children’s Choir ng ikalawang puesto sa katatapos na World Choir Games sa China.

Kamakailan ay tinanggap ni Calasiao PNP Chief Policarpio Cayabyab Jr. ang plaque of recognition mula sa mga organizers ng Country’s Outstanding Policemen in Service o COPS. Ang plaque na ito ay iprepresenta naman ni Cayabyab kay Provincial Director Allan La Madrid Purrisima kabilang na ang pamamahagi niya ng mga t-shirt uniforms at caps ng mga pulis sa Calasiao mula sa perang kanyang tinanggap bilang cash incentive sa kanyang pagkakapili.

Bibigyan naman ng parangal ng lokal na pamahalaan ang mga batang kasapi sa Saints Peter and Paul Children’s Choir na pumangalawa sa World Choir Games na ginanap sa Xiamen, China noong Hulyo 15 hanggang 26. Ang 25 miembro ng choir pati na ang conductor at anim na staff ay tatanggap ng plaques of recognition mula sa lokal na pamahalaan.


REHISTRASYON NG MGA BAGONG BOTANTE, NAG-UMPISA NA

Nag-umpisa na ang rehistrasyon ng mga bagong botante sa Commission on Elections para sa nalalapit na 2007 National at Local Elections.

Ang rehistrasyon sa COMELEC ay base na rin sa isinasaad ng Republic Act 8189 at Comelec Resolution number 7684 na nag-aamienda sa COMELEC Resolution number 7463.

Base sa naturang resolusyon ng Comelec lahat ng bago, maging ang mga transferee at yaong nagnanais mabago at maiayos ang entry ng kanilang pangalan sa listahan ng mga botante sa kanilang lugar ay binibigyan ng pagkakataon para makapagparehistro tuwing Linggo at Huebes. Matatapos ang naturang rehistrasyon hanggang sa buwan ng Disyembre.


103 PROVINCIAL GOVERNMENT SECURITY GUARDS NAGTAPOS SA RE-TRAINING COURSE

Natapos na ang re-training ng may 103 provincial government security guards na isinagawa sa loob ng pitong araw at pinangunahan ng Pangasinan Police Provincial Office.

Sa initiatibo ng lokal na pamahalaan ang mga naturang security guards ay sumailalim sa isang panibagong training para muling pag-aralan ang mga basic duties, rules at regulation ng pagiging isang kaagapay ng mga law enforcement agencies sa pagbibigay proteksion sa buhay at propriedad ng mga mamayan.

Sumailalim din ang mga security guards sa proficient handling at paggamit ng baril, pag-apula ng apoy sa panahon ng sunog at iba pang safety measures.

Naging panauhing pandangal sa ginanap na closing cermony sa Narciso Ramos Sports Complex, Lingayen, Pangsinan si Governor Victor Agbayani.


July 2006
M T W T F S S
« Jun   Aug »
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
24252627282930
31